Elizabeth Cooper
Elizabeth Cooper | |
---|---|
Kapanganakan | 15 Enero 1914[1]
|
Kamatayan | 29 Hunyo 1960[1]
|
Mamamayan | United Kingdom United Kingdom of Great Britain and Ireland |
Trabaho | artista |
Si Elizabeth Cooper o Isabel Rosario (Dimples) Cooper[2] (1910 - 29 Hunyo 1960) ay isang Eskotlanda-Pilipinang aktres. Bilang kaakit-akit na artista, naging lihim na kaibigan siya sa pag-ibig ng Amerikanong heneral na si Douglas MacArthur. Siya rin ang kauna-unahang Pilipinang lumabas sa isang eksenang pampelikula na may pakikipaghalikan sa Pilipinas. Dinala siya ni MacArthur sa Washington DC noong 1930, subalit nang nagwakas ang kanilang relasyon kinitil ni Cooper ang sariling buhay noong 1960 habang nasa Hollywood.[2]
Talambuhay
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ipinanganak sa Pilipinas noong 1910 mula sa isang amang nagmula sa Scotland at sa inang Pilipina na may lahing Intsik, bilang Isabel Rosario Cooper. Siya ang unang nakatanggap ng halik sa takilya, noong siya ay 12 taong gulang pa lamang, na naipalabas para panoorin ng madla noon. Noong nasa edad na 16, nakatagpo niya ang Amerikanong heneral na si Douglas MacArthur at naging mangingibig ng huli. Dinala siya ni MacArthur sa Washington DC noong 1930. Habang naglilingkod bilang hepe ng mga tauhan ng hukbong-katihan ng Estados Unidos, nagsampa si MacArthur ng reklamo ng paninirang puri laban sa isang tagapamahayag ng Washington Post, na si Drew Pearson. Nang idagdag ni Pearson si Cooper sa talaan ng mga saksing tatanungin o pupustuhin, iniurong ni MacArthur ang reklamo. Nang lumaon, binayaran ni MacArthur si Cooper ng halagang US$ 15,000 para lisanin ang Washington DC. Sinasabing ipinadala ni MacArthur ang salapi sa tulong ng isang tauhan na si Dwight Eisenhower.
Bagaman naging Pilipino-Amerikano siya, dumating ang panahon na hindi na muling nagbalik pa sa Pilipinas si Cooper. Kinitil niya ang sariling buhay noong 1960.
Sa larangan ng pelikula
[baguhin | baguhin ang wikitext]Noong panahon ng kaniyang kabataan, naglakbay si Cooper sa Timog-Silangang Asya bilang isang manganganta. Nagsimula siya sa pag-aartista sa pelikula noong 1925.
Bilang artista sa Pilipinas, siya ang kauna-unahang nakipaghalikan sa puting telon ng pinilakang tabing. Ginawa niya ang mga eksenang iyon sa pelikulang walang-tunog na Ang Tatlong Hambog noong 1926, kung saan katambal niya at naging kadikit-labi si Luis Tuason. Ito ang kauna-unahang eksenang may halikan sa kasaysayan ng pelikula sa Pilipinas. Halos nauna ng kaunting taon lamang siya kay Mary Walter sa pag-aartista. Una siyang lumabas sa pelikulang Miracles of Love (1925) ni Vicente Salumbides, at pati sa Fate or Consequence. Saglit siyang nawala sa showbiz, at nang manumbalik may talkies o tunog na sa larangan ng pelikula. Binigyan siya ng mahalagang papel ng LVN Pictures sa Ikaw Pala noong 1941 sa ilalim ng LVN Pictures. Ito ang huling pelikulang nagawa niya bago sumakabilang buhay.
Ugnayan kay Douglas Macarthur
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nahagip ni Cooper ang pananaw ng Amerikanong si Heneral Douglas MacArthur, na isang komandante ng lahat ng mga tropang sundalo sa Pilipinas ng Estados Unidos. Sa lumaon, naging lihim na kalaguyo siya ng heneral sa Maynila, isang katotohanan na nilingid ng may-edad na 50 o higit pang si MacArthur mula sa kaniyang inang si "Pinky" MacArthur, na noon ay nasa gulang na 80.
Itinakdang manirahan si "Dimples" Cooper sa isang apartamento sa Washington DC nang maitalaga bilang Hepe ng mga Tauhan ng Hukbo si MacArthur noong 1930.[2] Lumipat sa Washington DC si MacArthur dahil sa tungkuling ito. Dahil sa masiglang personalidad ni Cooper, na hindi tumutugma sa pagkakalagay at pag-iisa sa isang apartamento, palagian siyang binibigyan at binibilhan ng maraming mga kasuotan (ngunit walang pang-tagulan) ni MacArthur. Ayon ito sa tagapagsulat ng talambuhay ni MacArthur na si William Manchester. Hindi na raw kailangan pa ni Cooper ng damit na panlaban sa mga patak ng ulan sapagkat hindi na ito kailangan ng babae. Tanging trabaho lamang niya ang humimlay sa kama.
Nang manganib na mabunyag sa madla ang lihim na relasyon, winakasan ni MacArthur ang pakikipag-ugnayan at binigyan si Cooper ng tiket pang-eroplano pabalik sa Pilipinas na hindi naman ginamit ng huli[3]. Sa halip, nagbukas siya ng isang salon o pagupitang pang-kababaihan sa Midwest (Gitnang-Kanluran) ng Estados Unidos bago lumisan patungong Los Angeles makalipas ang ilang mga taon. Bilang resulta ng pagkakahiwalay kay MacArthur, labis ang naging dalamhati at kalungkutan ni Cooper, na humantong sa kaniyang pagpapakamatay na sanhi ng labis na pag-inom ng mga barbiturata o pampakalmang gamot. Namatay siya noong 1960 sa Hollywood.[2]
Mga pelikula
[baguhin | baguhin ang wikitext]- 1925 - Miracles of Love
- 1926 - Ang Tatlong Hambog
- 1927 - Fate or Consequence
- 1941 - Ikaw Pala
Sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]Talababa
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ 1.0 1.1 Internet Movie Database (sa wikang Ingles), nm0178104, Wikidata Q37312, nakuha noong 22 Hulyo 2016
{{citation}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ 2.0 2.1 2.2 2.3 Karnow, Stanley (1989). "Isabel Rosario Cooper". "In Our Image, America's Empire in the Philippines", Random House, Inc., New York, ISBN 0345328167.
{{cite ensiklopedya}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ "USAFA.af.mil". Inarkibo mula sa orihinal noong 2000-12-09. Nakuha noong 2008-07-21.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link)
Bibliyograpiya
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Manchester, William. American Caesar: Douglas MacArthur 1880–1964. Laurel: 1983. ISBN 0-440-30424-5.
- Garcia, Jessie B. (2004). A Movie Album Quizbook. Iloilo City, Philippines: Erehwon Books & Magazine. pp. p. 78-80, 127. ISBN 971-93297-0-X.
{{cite book}}
:|pages=
has extra text (tulong)CS1 maint: date auto-translated (link)