Pumunta sa nilalaman

Knossos

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Bahagi ng palasyo ng Knossos.

Ang Knossos[1] (binabaybay ding Knossus, Cnossus, Gnossus; Griyego: Κνωσός - bigkas [kno̞ˈso̞s]), ay ang pinakamalaking pook sa Crete, Gresya noong Panahon ng Tansong-Pula kaya't itinuturing na mahalaga kaugnay ng larangan arkeolohiya. Pinaniniwalaang ito ang sentro ng mga seremonya at politika ng kultura at kabihasnang Minoan. Sa ngayon, isang puntahan ng mga turista, dahil malapit ito sa pangunahing lungsod ng Heraklion at halos muling "naibalik" na sa dating anyo nito pagkaraan ng isinagawang malawakang restorasyon. Dahil dito, mas nauunawaan ng mga bisita ang lugar, sa halip na tatanawin lamang bilang walang-markang mga guho.

Ang Knossos ang pinakadakilang lungsod ng mga Kretano, ang mga mamamayan ng Crete. Mayroon itong 800 silid, kabilang na ang paliguan at kusina na may kanal at patubigan. Libu-libong mga tao ang namuhay dito. Nagkaroon ng isang palasyo ng hari dito na sumasakop sa may limang mga hektarya, at naglalaman ng limang bukas na korte, silid ng trono, mga kapilya, at mga apartamento para sa hari at kaniyang mga katulong na tauhan. Mayroon ding mga silid na naglalaman ng mga malalaking garapon may trigo at mga langis ng oliba. Napapalimutian ang mga dingding nito ng mga ipinintang mga guhit na tanawing naglalarawan ng mga pang-araw-araw na buhay ng mga tao noon.[1]

Mga mamamayan

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Isang istatwa ng sirkerong tumatalon sa likod ng mga toro.

Mahilig manood ng mga buhay na panoorin na isinasagawa sa mga panlabas na tanghalan ang mga tao ng Knossos: katulad ng mga palarong suntukan, mga sirkerong tumatalon at nagsisirko sa hangin at pagdaka'y lalapag sa likod ng mga toro. Nagsusuot ang mga kababaihan ng mga alahas na ginto at mga pinalamutiang mga kasuotan. Bagaman mahalaga ang pangangalakal, hindi mangangalakal ang mga taga-Knossos. Naghahanap-buhay sila sa mga lupain para magtanim at mag-alaga ng mga trigo, oliba, igos, ubas, kambing, tupa, at kapong baka.[1]

Mga kabahayan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Katulad ng palasyo ng hari, naglalaman din ang mga tahanan ng mga pinong palayok at inukit at hinubugang mga bato. Nagmamay-ari ang hari at ang mga maharlika ng mga karuwahe at mga pamalit na mga gulong. Kailangan ang mga pamalit na gulong dahil sa yari sa magaspang at baku-bakong mga bato ang mga daan.[1]

Naglahong kabihasnan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Nagwakas ang kasaganahan ng Knossos noong mga 1400 BC, bagaman nagpatuloy pa ring manirahana ang mga mamamayan sa lungsod. Nawala ang lumang kabihasnan pagkalipas ng 1100 BC at halos nalimutan sa loob ng ilang mga daantaon. Muling nabunyag sa mundo ang kabihasnan at kalinangang ito noong 1900 nang matagpuan ng mga dalubhasa sa arkeolohiya ang mga labi ng mga dingding ng palasyo at mga kabahayan, kabilang ang dalawang uri ng mga sulatin may kakaibang panitik. Noong 1952, isa sa mga sulating ito na nakaukit sa mga tablang bato ang napag-alamang isang uri ng sinaunang Griyego.[1]

  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 "Knossos and the King's palace". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)

Bibliyograpiya

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  • Benton, Janetta Rebold and Robert DiYanni.Arts and Culture: An introduction to the Humanities, Volume 1. Prentice Hall. New Jersey, 1998. [Pahina 64-70]
  • Bourbon, F. Lost Civilizations Barnes and Noble, Inc. New York, 1998. [Pahina 30-35]
  • Calendar House: Secrets of Time, Life & Power in Ancient Crete's Great Year. 2007: sinaliksik/sinulat/nilathala (CD) ni Dr. Jack Dempsey.